Nakawan sa airports, trabaho bilang OFWs
- By Atty. Batas (Melanio Lazo Mauricio Jr.)
- Apr 19, 2015
- 3 min read
INSPIRASYON SA BUHAY: “… Huwag kayong magtitiwala sa pangingikil o umasa sa mga nakaw na yaman; bagamat lalago nga ang inyong kabuhayan, huwag ninyong pagnasaan sa inyong puso ang mga ito…” (Awit 62:10, Bibliya).
-ooo-
NAKAWAN, KULTURA NA NG MARAMING PILIPINO: Ang nakawan sa mga airports ng mga pag-aari ng mga pasahero sa eroplano ay tunay namang karumal-dumal, pero ito ay sintomas lamang ng isang mas malalang sakit na bumabalot sa maraming Pilipino anuman ang kanilang estado o katayuan sa buhay: tila ba desperado na ang ating mga kababayan sa pagkamal ng yaman, sa anumang kaparaanan, kundiman dahil sa kahirapan ay dahil sa kasakiman.
Ang iniisip na ng marami sa ngayon ay ito: magnakaw na ng magnakaw habang kaya pa nilang magnakaw, sa pinakamatinding halaga, o kahit saan o kanino pa man, dahil nagnanakaw na din naman ang maraming iba pang Pilipino, mula sa bilyon-bilyong pondo ng gobyerno na ibinubulsa ng mga pulitiko at mga pinuno, sa mga steel railing ng mga overpass, at sa mga papel o paper clips sa mga tanggapan.
Marami din ang naeenggangyong magnakaw dahil sa katotohanang di maasahan ang paggagawad ng katarungan sa mga nagkasala, kasi pupuwedeng maimpluesiyahan ng pera at lakas o ng paghingi ng awa, ang proseso ng paghahabla, o pag-uusig, o pagpapataw ng sentensiya. Saan ba talaga patungo ang ating bansa sa ganitong sitwasyon?
-ooo-
PAGTATRABAHO SA ABROAD, SUMPA NG DIYOS: Labis akong nababagabag ng mga text messages na tinatanggap ko mula sa Region 2, lalo na sa Isabela, Cagayan, Quirino, Nueva Vizcaya, at mula sa Cordillera Administrative Region (sa Kiangan at Ifugao), ukol sa mga problema sa mga nawawasak na mga pamilya at mga nagrerebeldeng mga anak ng mga magulang na nagtatrabaho bilang overseas Filipino workers (OFWs).
Ang pangkalahatang reklamo ay ito: oo nga, nagkakaroon ng yaman ang mga pamilyang ito dahil sa malalaking halaga na ipinapadala sa kanila upang magamit sa edukasyon at sa iba pang mga batayang pangangailangan. Pero di maitatatwang nagkakasira-sira ang mga pamilya ng mga OFWs, dahil na rin sa pagsama ng mga OFWs sa ibang mga asawa habang sila ay nasa abroad o sa ibang asawa dito sa Pilipinas ng kanilang mga iniwan.
Bunsod ng paghihiwalay ng mga mag-asawa, nagiging rebelde ang kanilang mga anak at natututong lumusong sa droga, kriminalidad, prostitusyon at paglaban sa kanilang mga magulang. Nakakalungkot ito dahil bagamat ang pamahalaan ay nakikinabang sa mga dolyares na inire-remit ng mga OFWs sa Pilipinas, wala naman itong ginagawa upang tulungan ang mga kawawang manggagawa.
-ooo-
ANO NGAYON KUNG MAKAMTAN MAN NG TAO ANG MUNDO? Sa mga walang pakialam kung nananakaw man sila o hindi basta nagkakamal sila ng nakaw na yaman, may babala sa inyo ang Bibliya, sa kanyang Awit 62:10: “Huwag kayong magtitiwala sa pangingikil o umasa sa mga nakaw na yaman; bagamat lalago nga ang inyong kabuhayan, huwag ninyong pagnasaan sa inyong puso ang mga ito…”
Sa mga OFWs at sa gobyernong nakikinabang sa kanila, dapat din ninyong alalahanin na itinuturing ng Bibliya bilang sumpa ng Diyos ang pagta-trabaho sa ibang bansa. Ayon sa Deuteronomio 28:32: “Ibibigay sa ibang mga bansa ang inyong mga anak na lalaki at babae, at mamumuti ang inyong mga mata sa paghihintay sa kanila, ngunit wala kayong maitutulong sa kanilang kagipitan…”
Tunay nga, gaya ng sinabi ni Jesus, ang ating Diyos at Tagapagligtas, sa Mateo 16:26, ano nga ba ang mapapala ng tao makamtan man niya ang buong mundo kung mapapariwara naman ang kanyang kaluluwa? Oo nga, ano ba ang pupuwedeng ipagpalit ng tao sa kanyang kaluluwa na susunugin at kakainin ng uod sa impiyerno sa kanyang pagkakasala?
-ooo-
MAKINIG: DZEC 1062 kHz Manila, 1080 kHz Dagupan City, 711 kHz Naga City, 1260 kHz Lucena City, 1224 kHz Davao City, www.eaglenews.ph, Lunes-Biyernes, alas 6 n.u.; DYKA 801 kHz Panay Island, Yes Radio 88.3 FM Barobo City, Surigao del Sur, Yes Radio 93.9 FM, Cagwait, Surigao Del Sur, Lunes-Biyernes, alas 10 n.u; 92.7 Smile FM San Francisco, Agusan del Sur, Kiss 101.1 FM Cabadbaran City, Agusan del Norte, Lunes-Biyernes, alas 12 ng tanghali; Win 107.5 FM Roxas, Isabela, Sabado, alas 5:30 n.u, at Linggo, alas 7 n.u.
-30-
コメント