Jesus: Diyos Ama, Anak, Espiritu Santo
- By Atty. Batas (Melanio Lazo Mauricio Jr.)
- Apr 19, 2015
- 3 min read
INSPIRASYON SA BUHAY: “…bautismuhan ninyo sila sa Ngalan ng Ama, Anak, at Espiritu Santo…” (si Jesus, ang Diyos at Tagapagligtas, sa Mateo 28:19-20, Bibliya).
-ooo-
SI JESUS ANG DIYOS AMA, ANAK, AT ESPIRITU SANTO: May pruweba ba na si Jesus ang Diyos Ama, Anak, at Espiritu Santo? Opo, mayroon, ayon sa pag-aaral ng Bibliya na isinasagawa ng Simbahang Anak ng Diyos Kadugo Ni Kristo (AND KNK), o ang Simbahan ni Jesus na binanggit sa Mateo 16:18 at sa Isaias 46:11.
Ang una at pinakamatinding patunay na si Jesus ang Diyos Ama, Anak, at Espiritu Santo ay makikita sa Juan 10:30 at Juan 20:22. Sa Juan 10:30, sinabi ni Jesus, “Ako at ang Ama ay iisa.” Ang salitang ito, na may tuldok matapos ang salitang “iisa”, ay malaking pruweba na si Jesus ang Diyos Ama at Diyos Anak.
Kasi naman, kung ang Ama ay Diyos, at ang Ama at si Jesus ay iisa (gaya ng sinabi nga ni Jesus mismo sa Juan 10:30), maliwanag na si Jesus ang Diyos, Ama at Anak. Sa kabilang dako, sa Juan 20:22, maliwanag ding si Jesus at ang Espiritu Santo ay iisa---tunay nga, ang Espiritu Santo ay lumabas matapos Siyang ihinga ni Jesus sas Kanyang mga alagad.
-ooo-
BAUTISMO SA NGALAN NG AMA, ANAK, AT ESPIRITU SANTO: Kung si Jesus at ang Ama ay iisa, at si Jesus at ang Espiritu Santo ay iisa din, wala na dapat duda kailanman na si Jesus ang Ama, Anak, at Espiritu Santo, ang nag-iisa at totoong Diyos.
Pero, hindi lamang po ang mga bersikulong ito ang nagpapatunay sa katotohanang ito. Sa Mateo 28:19-20 nakatala ang pagbibigay ni Jesus ng mabibigat na tungkulin sa Kanyang mga alagad: humayo sa mga bansa at gawin ang lahat ng mga tao bilang Kanyang disipulo, bautismuhan sila sa Ngalan ng Ama, Anak, at Espiritu Santo, at ituro sa lahat ang mga utos Niya.
Ngayon, bakit kaya ipinag-utos ni Jesus na dapat bautismuhan ang lahat ng mga tao sa Pangalan ng Ama, Anak, at Espiritu Santo? Ang karapat-dapat lamang na sagot ay ito: ang Ama, Anak, at ang Espiritu Santo ang kabuuan ng iisang tunay na Diyos, si Jesus.
-ooo-
JESUS: “MAKAPANGYARIHANG DIYOS, WALANG HANGGANG AMA”: Huwag po nating kalilimutan na ayon sa Juan 1:1-14, maliwanag na ang Diyos mismo ang bumaba mula sa langit, nagkatawang tao, at nakisama o nakipamuhay sa mga tao, bagamat marami sa Kanyang sariling bayan ang di tumanggap o kumilala sa Kanya.
Ang mga bahaging ito ng Bibliya na nagpapatotoo sa pagbaba ng Diyos sa daigdig, at pagkakatawang-tao at pakikipamayan Niya sa Kanyang sariling bayan, ay katuparan na lamang ng mga naunang pahayag o propesiya ng maraming mga propeta, lalo na si Isaias. Inihula ni Isaias na bababa ang Diyos sa anyo ng tao---sa anyo ng sanggol na lalaki.
Kaya lang, bagamat bumaba ang Diyos sa anyo ng tao, may laman at dugo, at bilang sanggol na lalaki, niliwanag sa Isaias 9:6 na ang “sanggol na lalaki” ay tatawaging “Makapangyarihang Diyos, Walang Hanggang Ama”. Di ba, wala namang tao ang tinatawag ng Bibliya bilang “Makapapangyarihang Diyos, Walang Hanggang Ama” kundi ang Diyos mismo, kahit na nagpakita ito sa anyo ng tao?
-ooo-
REAKSIYON? Tawag po sa +63 917 984 24 68, +63 918 574 0193, +63 922 833 43 96, o Skype (batasmauricio), Viber (+63 918 574 0193) at Line (+63 917 984 24 68). Email: batasmauricio@yahoo.com, melaniolazomauriciojr@outlook.com, mmauriciojr111@gmail.com.
-30-
コメント