Squatter colony sa UP: sino nakikinabang?
- By Atty. Batas (Melanio Lazo Mauricio Jr.)
- Apr 17, 2015
- 3 min read
INSPIRASYON SA BUHAY: “…Sapagkat kung ano ang aking tinanggap, akin namang ipinagkakaloob sa inyo bilang isang napakahagalang bagay: na si Kristo ay namatay para sa ating mga kasalanan, ayon sa Kasulatan…” (1 Corinto 15:3, Bibliya).
-ooo-
JUDICIAL REVIEW, KAPANGYARIHAN NG MGA HUKUMAN: Ito po ang pinakamatinding argumento laban sa petisyon ng Ombudsman sa Korte Suprema ukol naman s autos ng Court of Appeals na pumipigil sa suspensiyon ni Makati Mayor Jejomar Erwin Junjun Binay: ang Court of Appeals, gaya ng Korte Suprema, ay binigyan ng kapangyarihan ng judicial review ng Cory Aquino 1987 Constitution.
Dahil mayroon ang Court of Appeals ng kapangyarihan ng judicial review, may karapatan itong magpasya at magsabi kung kumilos ba ng maayos o hindi ang Ombudsman sa ginawa nitong pagbibigay ng preventive suspensiyon laban kay Junjun.
-ooo-
OMBUDSMAN, SAKOP DIN NG JUDICIAL REVIEW: Ok, so totoo ngang ang Ombudsman ay isang independent Constitutional body. Pero nananatiling sakop pa din ito ng judicial power ng mga hukuman, gaya ng ang kapangyarihan sa judicial review ay nakakasakop din sa iba pang Constitutional bodies gaya ng Commission on Audit at ng Civil Service Commission.
Narito po ang sinasabi ng Cory Aquino 1987 Constitution, sa kanyang Section 1, Art. 8: “Ang kapangyarihan sa judicial review ay ibinibigay sa Korte Suprema at sa mga mas mabababang hukuman na itatatag ng batas. Kasama sa kapangyarihan ng judicial review ang tungkulin ng mga hukuman… upang alamin kung umabuso ba ang anumang sangay o tanggapan ng pamahalaan…”
-ooo-
SQUATTER COLONY SA UP: SINO NAKIKINABANG? Puwede bang mapaliwanagan ako ninuman mula sa University of the Philippines sa Diliman, Quezon City: bakit ba ang daming mga shanties o mga halos bulok ng mga barong-barong sa loob ng campus nito ngayon? Sino ba ang pumayag itayo ang mga shanties na ito? At sino ang pumayag pasukin ng mga nakatira sa mga shanties na ito ang UP? May renta ba ang mga taong ito? Kanino ibinabayad ang mga ito, at magkano?
Napilitan akong tanungin ito noong isang araw matapos kong makita ang ilang mga bata na nakatira sa mga barong-barong sa UP, na naglalaro ng apoy, at nagsusunog ng mga tuyong damo malapit sa College of Fine Arts at sa dating UP Stud Farm (tingnan po ninyo ang aking Facebook account, Melanio Lazo Mauricio Jr. o www.facebook.com/attybatas, para sa mga litrato ng mga bata).
Sa panahong napakarami ng mga tinatawag na bush fires dahil sa mainit at tuyong panahon, ang apoy na pinaglalaruan ng mga batang iyon ay maaaring pag-umpisahan ng sunog na tutupok sa College of Fine Arts at ng iba pang mga buildings na pag-aari ng UP. Maaari pa itong makamatay, lalo na sa mga naninirahan sa mga barong-barong na ang itsura ay isa ng squatter colony sa loob ng UP.
-ooo-
IBALIK ANG KAHUSAYAN NG NPC: Ang pansamantalang pag-alis ni Joel Sy Egco bilang pangulo ng National Press Club (NPC) of the Philippines, na iniulat ng mga kasamahan niya sa media, ay nakakalungkot, lalo na at ipinapakita nito ang malalim na pagkakahati ng mga mamamahayag na Pilipino, ke nasa print, radio o TV man sila.
Sa panahong kailangan ang pagkakaisa ng mga reporters at mga journalists dahil na rin sa banta di lamang sa kanilang kalayaan sa pamamahayag kundi sa kanilang mga buhay gaya ng ipinapakita ng mga pagpaslang sa kanilang mga kasamahan, nag-aaway-away lamang sila. Marahil, maaari ng makialam ng mga senior mediamen upang maibalik ang nawalang katatagan at kahusayan ng NPC?
-ooo-
MAKINIG: DZEC 1062 kHz Manila, 1080 kHz Dagupan City, 711 kHz Naga City, 1260 kHz Lucena City, 1224 kHz Davao City, www.eaglenews.ph, Lunes-Biyernes, alas 6 n.u.; DYKA 801 kHz Panay Island, Yes Radio 88.3 FM Barobo City, Surigao del Sur, Yes Radio 93.9 FM, Cagwait, Surigao Del Sur, Lunes-Biyernes, alas 10 n.u; 92.7 Smile FM San Francisco, Agusan del Sur, Kiss 101.1 FM Cabadbaran City, Agusan del Norte, Lunes-Biyernes, alas 12 ng tanghali; Win 107.5 FM Roxas, Isabela, Sabado, alas 5:30 n.u, at Linggo, alas 7 n.u.
-30-
Comments