Pagdadawit sa anak ng CA justice, foul
- By Atty. Batas (Melanio Lazo Mauricio Jr.)
- Apr 17, 2015
- 3 min read
INSPIRASYON SA BUHAY: “…Malapit ng matapos ang gabi; halos naririto na ang araw. Kaya naman alisin na natin ang mga gawain sa dilim, at isuot ang kalasag ng liwanag…” (Roma 13:12, Bibliya).
-ooo-
ANO NAMAN KUNG PARTNER SA LAW FIRM ANG ANAK NG JUSTICE? Excuse me, pero sa aking tingin ay malisyosong hula-hula lamang ang pagdadawit sa isang anak na babae ng isang Court of Appeals justice na nauna ng inakusahang tumanggap ng P25 milyong suhol dahil sa kontrobersiyang dulot ng kautusan ng hukuman na pumipigil sa suspensiyong ipinag-utos ng Ombudsman laban kay Makati City Mayor Jejomar Erwin Junjun Binay.
Ano naman ngayon kung anak nga ng nasabing justice ang isang babaeng partner sa isang Makati City law firm na ang founder ay inaakusahan ni Sen. Antonio Trillanes na namagitan upang mabayaran ng P50 milyon ang dalawang justices ng Court of Appeals (na ang isa dito ay sinasabi ngang ama ng partner ng law firm)? Mahalaga ba ito upang malaman kung totoo nga ang akusasyon ni Trillanes laban sa mga justices?
Sa mabilisang pag-ikot ng mundo ng pagbabalita, makakabuting alalahanin nating lahat na tanging ang mga pangyayari ang dapat nating iniuulat at iwasan ang mga haka-haka na makakasira ng wala namang batayan sa reputasyon ng iba. Maliban na lamang kung may matibay na ebidensiya ng katiwalian, obligasyon ng mga nasa media na iwasan ang pag-aakusa kaninuman.
-ooo-
“LIQUID ECSTASY” AT KAWALAN NG DIYOS: Bakit ba tila tuluyang lumalaganap na ngayon sa Pilipinas ang paggamit ng iba’t ibang mga ipinagbabawal na gamot gaya ng tinatawag ng National Bureau of Investigation na “liquid Ecstasy”? Sa kaparehong dahilan kung bakit ang HIV/AIDS ay lumalala na din sa hanay ng mga bakla o bading sa bansa.
Ito ay di dahil pinaiigting ng mga masasamang loob na nakikinabang sa mga bentahan ng gamot na ito ang pagpapalaganap ng bisyong ito sa ating mga kababayan. Ang tunay na dahilan: ang mga kababayan na natin mismo, sa kabuuan, ang mas bukas na ang isipan sa paggawa ng tiwali at mga krimen, kasama na ang pag-abuso sa ilegal na droga.
Bakit nangyayari ito? Simple. Sapagkat marami na ang walang Diyos, o di kaya, bagamat nagsasabi silang nananampalataya pa din sila sa Diyos, palsipikado o sa nguso na lang ang kanilang pananampalataya, hindi na sa gawa. Wala na kasing nagbabasa ng Bibliya. Wala ng nag-uusap ukol sa Diyos. Ngayon, kung wala ng nagbabasa ng Bibliya at wala ng nag-uusap ukol sa Diyos, sino ang kasama natin sa ating paglaki?
-ooo-
MGA PINUNO, DAPAT MAKA-DIYOS: Ito ang dahilan kung bakit sa matagal na din namang panahon, lagi na akong nagsasalita ukol sa pagkakaroon ng ating mga pinuno sa gobyerno, pulitika, negosyo, o sa lipunan sa kabuuan, ng pananaw tungkol sa Diyos at sa kabanalan. Sa pagkakaroon lamang ng takot at pag-ibig sa Diyos ng ating mga lider magkakaroon ang bayan ng tunay na tuwid na daan sa tagumpay at kaginhawaan.
Ang pinunong may takot at pagmamahal sa Diyos ay di magnanakaw, di magsisinungaling, at di mandaraya (excuse me po sa Philippine Military Academy). Ang mga lider na walang Diyos ay mga magnanakaw, sinungaling, at mandaraya. Tingnan na lamang natin ang ating paligid at makikita natin ang katotohanan nito. Mula sa pambansang pamahalaan hanggang sa mga pamahalaang lokal, ang lahat ay tiwali.
Pero tiwali ang mga pinuno kung tayong mga mamamayan ay mga walang Diyos at wala ding kabanalan. Kaya nga, ang payo noon pa man para sa tao ay magsumikap maging matuwid at maka-Diyos sa tamang kaparaanan---magbasa at mag-aral at sumunod sa Bibliya sa lahat ng sandali. Ang problema lang, di na karamihan sa mga Pilipino ang gumagawa ng mga ito. Napakasakit talaga!
-ooo-
MAKINIG: Mga brodkast sa espirituwalidad at Salita ng Diyos: Yes Radio 88.3 FM, Barobo City, Surigao del Sur at Yes Radio 93.9 FM, Cagwait, Surigao del Sur, Lunes-Biyernes, 8 n.g.; 92.7 Smile FM, San Francisco, Agusan Del Sur, at Kiss 101.1 FM, Cabadbaran City, Agusan del Norte, Lunes-Biyernes, 10 n.g.; Win 107.5 FM, Roxas, Isabela, Sabado at Linggo, 8 n.u.
-30-
Comments