Bakit napakataas ang singil sa kuryente sa RP
- By Atty. Batas (Melanio Lazo Mauricio Jr.)
- Apr 17, 2015
- 3 min read
INSPIRASYON SA BUHAY: “… Sapagkat ang kalatas ng krus ay isang kamangmangan lamang sa mga nalilipol, ngunit sa ating mga nabibiyayaan ng kaligtasan, ito ang kapangyarihan ng Diyos…” (1 Corinto 1:18, Bibliya).
-ooo-
BAKIT ISA SA PINAKAMATAAS ANG HALAGA NG KURYENTE SA RP: Naririto po ang isang pananaw kung bakit tayong mga Pilipino ay isa sa mga nagbabayad ng pinakamataas na halaga ng kuryente sa buong mundo, galing po sa isang regular na contributor natin sa kolum na ito, si G. Marcelo Tecson, dating comptroller ng Petron Corporation:
“Kung isa sa pinakamataas ang halaga ng ibinabayad natin sa kuryente sa buong mundo sa ilalim ng Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) of 2001 (o Republic Act 9136), maliwanag na di dapat paniwalaan ang mga papuri sa batas na ito---na ito ay magbibigay ng mababang singilin sa kuryente; na ang kanyang utos ukol sa pagsasapribado at deregulasyon ng negosyo ng kuryente ang dapat isagawa; na hindi ang batas ang problema kundi ang pagpapatupad nito, at marami pang iba.
“May mga bagay na di na dapat pang pag-eksperimentuhan upang malaman natin ang resulta. Hindi na tayo kailangan pang mag-eksperimento ng mas mahabang panahon sa EPIRA upang malamang ang kanyang ipinangakong paglago ng kumpetisyon sa negosyo ng kuryente ay di magaganap.
-ooo-
MONOPSONY AND MONOPOLY IN ELECTRIC SUPPLY: “Sa mga kaganapan ngayon sa industriya ng kuryente, dapat nating alamin na ang perpektong kumpetisyon doon ay isa lamang pantasya, lalo na sa kaso ng Meralco, na nag-iisang tagabili ng kuryente na kanya ding ipinagbibili bilang isang mahalagang pangangailangan ng mamamayang walang ibang puwedeng pagpilian, sa katayuan nito bilang monopolya.
“Ang katayuan ng Meralco bilang isang nag-iisang mamimili ng kuryente ay nag-aalis ng tunay na kumpetisyon sa hanay ng mga power generators, lalo na kung may-ari (o kasamang may-ari) din ito ng mga kumpanyang nagnenegosyo din bilang power generators. Tunay nga, bibigyan lamang nito ng espesyal na trato ang mga kapatid nitong kompanya, sa kapahamakan ng ibang kompanya.
“At di rin mapapagpilian ang status quo, o ang kasalukuyang sitwasyon. At lalong di mapapatawad ang mataas na singilin sa kuryente sa ilalim ng EPIRA. Kailangan nating humanap ng solusyon sa abnormal na taas ng singilin sa kuryente. Kailangan nating pag-aralang muli ang isyu ng regulasyon kontra deregulasyon sa negosyo ng kuryente.
-ooo-
REGULASYON NG GOBYERNO, KAILANGAN: “Ang kalutasan ng matagal ng isyung ito ng regulasyon kontra sa deregulasyon, kasama na ang isyu ng pagsasapribado ng mga kompanya, ay di dapat iniiwan sa mga ekonomista lamang. Bagamat makakapag-panukala sila ng mga mahuhusay na solusyong pang-ekonomiya, baka di nila makita ang pinakamainam na paraan ng pagpapatupad ng mga solusyong ito. Ito ang nangyari sa privatization ng MWSS, o Metropolitan Waterworks Sewerage Sysstem.
“Sa teorya, ok lang ang lahat. Pero, ilang taon na ang nakakaraan, sa taunang pagpupulong ng Asia Society at Dow Jones sa Manila noong Pebrero 24-26, 1999, may sinabi ang ekonomistang si Stanley Fischer, ang dating first deputy managing director ng IMF, na taliwas lahat sa mga prinsipyong kanyang isinusulong.
“Sabi niya: `Ang pagpipilian ay di sa pagitan ng mga open market o government control. Ang kailangan lamang siguraduhin, sa harap ng mga open markets o bukas na kalakalan, kailangang maging maayos at epektibo ang regulasyon at pagmamanman ng gobyerno…”
-ooo-
REAKSIYON? Tawag po sa +63 917 984 24 68, +63 918 574 0193, +63 922 833 43 96, o Skype (batasmauricio), Viber (+63 918 574 0193) at Line (+63 917 984 24 68). Email: batasmauricio@yahoo.com, melaniolazomauriciojr@outlook.com, mmauriciojr111@gmail.com.
-30-
Comments