top of page
Search

Reunion: Mauricio Family

  • By Atty. Batas (Melanio Lazo Mauricio Jr.)
  • Apr 12, 2015
  • 3 min read

INSPIRASYON SA BUHAY: “…`Siya mismo ang umako sa ating mga kasalanan’ sa kanyang katawang nakabayubay sa krus, upang mamatay tayo sa kasalanan at mabuhay ayon sa katuwiran; `sa kanyang mga sugat tayo ay pinagaling’…” (1 Pedro 2:24, Bibliya).

-ooo-

ANG KAGALAKAN NG FAMILY REUNIONS: Matinding isinusulong ng pinsan kong champion darts player at mahusay na manunulat, si Renato “Rey” Mauricio ng Bureau of Customs, ang reunion naming mga magkakamag-anak mula sa pinagsamang pamilya ng Mauricio at Dizon, lalo na yung mga nagmula sa lahi ng Alfonso Simon Mauricio (ng Ramos, Tarlac) at Juana Dizon (ng Tarlac City).

Noong Nobyembre 2014, sumulat si Rey ukol sa grand reunion ng Pamilya Mauricio na nilalayong gaganapin sa Disyembre 12, 2015. Pahintulutan po ninyong maibahagi ko ito dito, na isinalin ko na sa Pilipino: “Ang ugat ng aming lahi ay nag-umpisa sa maliit at tahimik na bayan ng Ramos, Tarlac. Ito ang bayan kung saan ang mga minamahal naming mga magulang at mga ninuno ay isinilang at lumaki.

“Dati ay tatlo at kalahating oras ang biyahe mula Manila patungo sa Ramos, ngunit dahil sa NLEX (North Luzon Expressway) at ng kagagawa lang na TPLEX (Tarlac Pangasinan La Union Expressway), ang biyahe ay aabot na lamang ng isang oras at kalahati (ngayon, dahil sa SCTEX o Subic Clark Tarlac Expressway, wala ng isang oras ang biyahe mula Mindanao Avenue o Balitawak Road---Batas).

-ooo-

PISTA NG BAYAN, UGAT NG MASAYANG REUNION: “Ipinagdiriwang ng mahal naming bayan ang taunang piyesta nito tuwing ikalawa o ikatlong linggo ng Marso. Sariwa pa ang mga ito sa isip ko. Naalaala ko pa, ipinagmamaneho kami ng nasira kong ama, si Atty. Walfred P. Mauricio, Sr., mula Caloocan City patungo sa Ramos. Sa pagpasok pa lamang namin sa dulo ng bayan, nakikita ko na ang mga banderitas sa mga kalsada, masayang kumakaway sa taumbayan.

“Itinuturing ko ang mga ito bilang masayang pagtanggap sa amin sa kapistahan ng Ramos, na nagiging reunion na din ng aking ama at ng kanyang mga kapatid, mga pinsan, at iba pang mga kamag-anak. Lubos ang kasiyahan ng aking ama, at ng kanyang kapatid na si Uncle Mely, at mga pinsang sina Uncle Ely, Uncle Totoy, Uncle Sesing, Uncle Weng, Uncle Fidel, Uncle Romy, at ng maraming iba pa, sa kanilang pagbabalik-tanaw sa nakaraan.

“Masaya ang kanilang biruan at kantiyawan habang umiinom sila ng serbesa at Scotch Whiskey, at sumusubo ng kanilang mga paboritong pulutan gaya ng lechon, kalderetang kambing, kilawin, at papaitan. Susundan ang mga ito ng drum and lyre band sa kalsada, habang ipinaparada naman ang mga naggagandahang mga reyna sa beauty contest, pati na ang mga kasali sa walkathon na nakasuot ng mga makukulay na damit.

-ooo-

MAURICIO NG RAMOS: MANANAYAW, MANGINGINOM: “Mayroon ding basketball contest sa hapon doon sa may plaza ng bayan, habang nakapaligid naman ang karnabal na tinatampukan ng mga sari-saring gamit tulad ng Ferris Wheel, habang sa gabi naman, ipinapalabas ang mga sine na kung saan bida sina FPJ, Joseph Estrada at Jess Lapid. Marami ding kainan sa paligid, sa harap lamang ng munisipyo, na nagtitinda ng masasarap na barbecue, softdrinks at ng aking paboritong bibingka.

“Tapos, nagaganap naman sa Sabado ng gabi ang pagpapakilala sa mga beauty queens sa gitna ng plaza (si Marisa, anak ni Uncle Mely, at si Ellen, anak ni Uncle Ely, ay mga beauty queens sa kanilang kapanahunan). Dito ay mayroong ding dinner dance na ang tampok na bahagi ay ang bakbakan ng dalawang orchestra na nagpapaligsahan sa galing, hanggang sa madaling araw na ng Linggo.

“At sino ba ang makakalimot habang sinasayaw nina Uncle Mely at Auntie Salvy ang boogie at chacha (at maging ang tango) sa gitna ng auditorium, ganundin ang husay sa galaw ng katawan ni Uncle Totoy sa cha cha. Samantala, di naman tumitigil sa pag-inom si Uncle Ely at ang aking Daddy habang nakatingin sila at nakikisaya sa mga sumasayaw. Tunay nga, yun ang mga masasayang araw na di malilimutan ninuman.

-ooo-

“ANG SARAP NAMAN”!!!: “Bago naman matulog kaming mga kabataan, kukuwentuhan kami ni Apong Juan (ang ama ng aking Daddy at ni Uncle Mely) ng mga kapre at iba pang nakakatakot na kuwento. Sa umaga, naghahanda si Apong Juan at Apong Choleng ng tuyo, sinangag, at gatas ng kalabaw para sa aming almusal. Ang sarap naman!!!” (Kung Mauricio po kayo, tawag po kayo sa akin sa 0917 984 24 68, 0918 574 0193 o 0922 833 43 96).

-30-

 
 
 

Recent Posts

See All
AND KNK: God Himself came to earth

LIFE’S INSPIRATIONS: “…For a child has been born to us, a son has been given to us. He shoulders responsibility and is called… Mighty...

 
 
 

Commentaires


RECENT POSTS:
SEARCH BY TAGS:

© 2023 by NOMAD ON THE ROAD. Proudly created with Wix.com

  • b-facebook
  • Twitter Round
  • Instagram Black Round
bottom of page