PNoy peace process ang pumatay sa SAF 44
- By Atty. Batas (Melanio Lazo Mauricio Jr.)
- Apr 9, 2015
- 3 min read
INSPIRASYON SA BUHAY: “…Kung gayon, kayong mga humuhusga sa kapwa, wala kayong maidadahilan, sapagkat sa bawat paghuhusgang inyong ginagawa, hinuhusgahan ninyo ang inyong mga sarili, dahil ganoon din ang inyong gawain…” (Roma 2:1, Bibliya).
-ooo-
PNOY PEACE PROCESS ANG PUMATAY SA SAF 44: Natutukso akong magsabi, “sinabi ko nga ba sa inyo” pero di ko gagawin iyon. Ang mahalaga sa ngayon ay ito: ang paulit-ulit na nating ipinapahayag, sa ating mga kolum sa Pilipinas at sa ibang bansa at sa iba’t ibang broadcasts ko sa radyo sa Luzon, Visayas, at Mindanao, ay halos nakumpirma o napatotohanan na.
Tunay nga, walang tulong na ibinigay sa 44 na opisyales at mga tauhan ng Special Action Force (SAF) habang kinakatay sila sa buong araw ng Enero 25, 2015 sa Mamasapano, Maguindanao, upang hindi madiskaril o maperhuwisiyo ang kasunduang pangkapayapaan na binabalangkas ng Pangulong Aquino sa Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Maliwanag, itinuring ng gobyernong Aquino na mas mahalaga at mas karapat-dapat protektahan ang nasabing usapang pangkapayapaan, kaysa sa buhay ng 44 na SAF commandoes na sa totoo lang ay isinabak sa Mamasapano upang mapalakas lamang ang kampanya ng isang mahalagang opisyal para sa Nobel Peace prize. Katotohanan, ang peace process ni Aquino ang pumatay sa mga SAF troopers.
-ooo-
“STAND DOWN” ORDER KUMPIRMADO: Ano ba ang binabanggit ko dito? Tama po kayo, nahulaan ninyo. Ang aking binabanggit dito ay ang testimonya sa House of Representatives noong Abril 08, 2015 nina Chief Supt. Noli Talino, SAF deputy director, at Supt. Michael John Mangahis, ang mga ground commanders, o lider, sa Mamasapano operation noong Enero 25.
Ano ba ang sinabi ng dalawang ito? Na ang “peace process” ay ginamit ng mga matataas na opisyales ng militar sa Maguindanao upang bigyang-katuwiran ang kanilang pagtanggi na magbigay ng ground at artillery support sa mga pinapatay na SAF commandoes, noong naiiipit sila sa Mamasapano matapos nilang likidahin ang Malaysian terrorist na si Zulkifli bin Hir, o Marwan.
Ang pagbubunyag na ito ni Talino at Mangahis ay kumumpirma sa mga naunang ulat na inutusang mag “stand down” ang mga pulis at mga militar sa Mamasapano. Sa madaling salita, pinagbawalang tumulong pala ang mga ito sa mga kaawa-awang mga pulis batay sa kautusan ng isang makapangyarihan sa gobyerno.
-ooo-
PNOY, DI INILIGTAS ANG SAF 44-NAPENAS: Sino kaya itong opisyal na “makapangyarihan sa gobyerno” na diumano ay pumigil sa pagtulong sa mga SAF commandoes habang walang awa silang pinagpapapatay ng mga MILF rebels? Ang hula ninyo ay kapareho din marahil ng hula ko, pero sigurado akong ang pahayag ni ousted SAF Chief Gen. Getulio Napenas noong Abril 08, 2015 sa House hearing ay magbibigay sa atin ng ideya kung sino ito.
Batay sa mga ulat sa media, ganito ang sinabi ni Napenas: inabandona o pinabayaan siya at ang kanyang mga tauhan sa SAF ng Pangulong Aquino at mga opisyales ng pulisya at ng militar, “dahil di dumating sa amin ang agaran at epektibong suporta habang umaatikabo ang bakbakan noong umaga ng Enero 25” sa kabila ng maraming mga hiling.
-ooo-
BATAS SA ALYAS: Eto po ang Republic Act 6085, ukol sa alyas: “Sec. 3. Walang taong nabinyagan sa pangalang kakaiba sa nakatala noong siya ay isilang… o sinumang makakakuha ng pahintulot mula sa hukuman, ang gagamit ng alyas, o sinumang gumagamit ng pseudonym, ang lalagda o pipirma o gagawa ng anumang dokumentong pribado o pampubliko ng hindi muna nila inilalagay ang tunay nilang pangalan, at ang lahat ng kanilang alyas na ginagamit.”
-ooo-
MAKINIG: Mga brodkast sa espirituwalidad at Salita ng Diyos: Yes Radio 88.3 FM, Barobo City, Surigao del Sur at Yes Radio 93.9 FM, Cagwait, Surigao del Sur, Lunes-Biyernes, 8 n.g.; 92.7 Smile FM, San Francisco, Agusan Del Sur, at Kiss 101.1 FM, Cabadbaran City, Agusan del Norte, Lunes-Biyernes, 10 n.g.; Win 107.5 FM, Roxas, Isabela, Sabado at Linggo, 8 n.u.
-30-
Comments