Trillanes, tutok sa korapsiyon sa hudikatura
- By Atty. Batas (Melanio Lazo Mauricio Jr.)
- Apr 8, 2015
- 3 min read
INSPIRASYON SA BUHAY: “… Huwag ninyong pagtatakpan ang kanilang kasalanan, o aalisin ang kanilang katiwalian mula sa inyong paningin, sapagkat matinding paghamak ang kanilang ginawa laban sa mga gumawa…” (Nehemias 4:5, Bibliya).
-ooo-
AQUINO, GUILTY SA MAMASAPANO MASSACRE: Anuman ang resulta ng mga imbestigasyon sa Mamasapano massacre, kasama na ang dapat ay tinapos na ng House of Representatives noong Miyerkules, Abril 08, 2015, di maitatanggi na may hatol na ang sambayanang Pilipino: ang Pangulong Aquino ay guilty, o may-sala, sa brutal na kamatayan ng apatnapu’t apat (44) na mahuhusay na opisyales at tauhan ng pulisya, sa kamay ng mga kalaban ng bansa.
Ang dumadausdos at di mapigilang pagbaba ng popularity, performance, satisfaction, at trust, ratings ni Aquino nitong mga nakaraang linggo ayon na rin sa mga ulat ng mahuhusay na survey firms ay nagpapatunay ng hatol na iyon ng sambayanan, at di na maalis pa ang hatol na ito sa kabila ng isinasagawang matinding whitewash o paglilinis ng gobyernong Aquino.
Guilty si Aquino sa kamatayan ng mga Special Action Force commandoes, ayon na rin sa mga Pilipino sa lahat ng antas ng lipunan, at mula sa lahat ng rehiyon ng bansa, mula Timog hanggang Hilaga. Kailangang kilalanin ni Aquino ang katotohanang ito ng agaran, at di na siya dapat maghintay pang humanap ang mga tao ng kaparaanan kung papaano ipatutupad ang kanilang hatol, maliban na sa mga sagot nila sa surveys.
-ooo-
TRILLANES, TUTOK SA KORAPSIYON SA HUDIKATURA:
Madalang akong kumatig kay Sen. Antonio Trillanes IV, lalo na sa kanyang pagkilos upang makakuha ng simpatiya ng mga botante para sa halalan sa 2016, pero hinihingi ko na agaran na niyang ibunyag ang mga personalidad na, ayon sa kanya, ay nagsabwatan upang mabayaran ang injunction order mula Court of Appeals na pumipigil sa suspensiyon ni Mayor Jejomar Erwin Junjun Binay ng Makati.
Kung may matibay na patunay si Trillanes na binayaran nga ng “big money” ng Pamilya Binay ang injunction order, tungkulin niya bilang mambabatas na ibahagi ito sa publiko agad, gaya ng kanyang mga agarang pagbabahagi ng mga katiwalian diumano ng tatay ng Mayor, si Vice President Jejomar Binay.
Ang tungkuling ito ay lalo ng pinaigting ng mga pagbubunyag din sa media laban sa mga ilang justices diumano ng Court of Appeals na nagbebenta ng kanilang mga desisyon, sa loob mismo ng kanilang mga tanggapan. Mapapalakas lalo ni Trillanes ang pangarap niyang maging mas mataas na opisyal kung tututukan niya ang paglilinis sa hudikatura ng mga tiwali at korap.
-ooo-
MASSIVE COVER-UP PARA KAY PNOY: Sa aking pagbubulay-bulay sa Mamasapano massacre, naniniwala akong ang Pangulong Aquino at ang kanyang Gabinete at maging ang mga pulis at militar, ay nagsasabwatan para sa isang malakihang cover-up o pagkilos upang mai-iwas si Aquino mula sa anumang pananagutang kriminal, sibil, o administratibo, para sa massacre noong Enero 25, 2015.
Hindi kasi ako makapaniwala na ang Mamasapano operation na layong hulihin ang teroristang pinaghahanap maging ng Estados Unidos ay paplanuhin at isasakatuparan lamang ng tatlo hanggang apat na tao---ang Pangulo, ang noon ay suspended Philippine National Police Chief Gen. Alan Purisima, dating SAF Chief Gen. Getulio Napenas, at isang PNP officer.
Naniniwala akong ang sinumang may katungkulan sa gobyernong Aquino ay nakakaalam sa Marwan operation. Kaya lang, dahil 44 na magagaling na pulis ang pinatay doon at lumilitaw na isinakripisyo upang huwag lamang masira ang usaping pangkapayapaan na pinaglalawayan ng husto ng Pangulo, ibinunton na lamang ang sisi una kay Napenas lamang, pero ng lumaon ay kasama na si Purisima.
-ooo-
MAKINIG: DZEC 1062 kHz Manila, 1080 kHz Dagupan City, 711 kHz Naga City, 1260 kHz Lucena City, 1224 kHz Davao City, www.eaglenews.ph, Lunes-Biyernes, alas 6 n.u.; DYKA 801 kHz Panay Island, Yes Radio 88.3 FM Barobo City, Surigao del Sur, Yes Radio 93.9 FM, Cagwait, Surigao Del Sur, Lunes-Biyernes, alas 10 n.u; 92.7 Smile FM San Francisco, Agusan del Sur, Kiss 101.1 FM Cabadbaran City, Agusan del Norte, Lunes-Biyernes, alas 12 ng tanghali; Win 107.5 FM Roxas, Isabela, Sabado, alas 5:30 n.u, at Linggo, alas 7 n.u.
-30-
Comments