Panawagan vs. “corrupt” appeals justice
- By Atty. Batas (Melanio Lazo Mauricio Jr.)
- Apr 6, 2015
- 3 min read
INSPIRASYON SA BUHAY: “…Pinapatatag ng pagiging matuwid ang karangalan ng isang tao, ngunit nililipol ng katiwalian ang makasalanan…” (Kawikaan 13:6, Bibliya).
-ooo-
PANAWAGAN VS. “CORRUPT” APPEALS JUSTICE, UMIIGTING: Mapupuwersa na bang mag-imbestiga ang Korte Suprema at ang Judicial and Bar Council sa mga ulat na ang mga desisyon, temporary restraining order, o writ of injunction, ay ipinagbibili diumano sa mga maperang may kaso ng ilang mga mahistrado sa Court of Appeals, lalo na at may ganitong kahilingan na ang isang malaking grupo ng mga consumers?
Sana naman ay kumilos na ang hukuman at ang JBC, na parehong nasa pangangasiwa ni Chief Justice Maria Lourdes Aranal Sereno, upang maumpisahan ang imbestigasyon, sa lalong madaling panahon. Kasi naman, usap-usapan na ang mga ulat ng katiwalian sa Court of Appeals, at nagbabanta pang madiskaril ng mga usapang ito ang pagkilos ni Sereno upang linisin ang hudikatura.
Aba’y ang mga pagbubunyag ng Coalition of Filipino Consumers, at ng tagapagsalita nitong si Perfecto Tagalog, sa mga anomalya sa Court of Appeals ay di lamang tugma sa mga sinulat ng mamamahayag na si Daxim Lucas noong isang linggo, kundi naglalaman pa ang mga ito ng mga bagong detalye na ang sabi ay galing daw sa isang mahistradong nakaupo pa sa ngayon! Dapat ngang magmadali si Sereno, ang Korte, at ang JBC sa isyung ito!
-ooo-
ANG KUWENTO NG MABUTING MAGNANAKAW, PART III: Eto po ang ikatlong bahagi ng aking maikling kuwentong may pamagat na “Ang tunay na kuwento ng mabuting magnanakaw”: Habang siya ay nakaupo sa kariton nina Jose at Maria, natanaw niya ang isang batang lalaking higit na mas bata sa kanya, hawak ang batang babae na paimpit na umiiyak. Gula-gulanit ang kanilang mga damit, at maliwanag na nagugutom at nauuhaw din sila. Naramdaman niyang magkapatid ang mga ito, at, gaya niya, ay mga ulila na din.
Napag-alaman din niya na di pa kumakain ang dalawang paslit ng halos dalawang araw na. Bigla, naramdaman niya sa kanyang puso na kailangang tulungan niya ang mga ito, at mabigyan sila ng maiinom at makakain. At sa damdamin niyang nagnasang tumulong sa mga bata, tila ba nawala ang kanyang sariling kagutuman at pagka-uhaw.
Dahan-dahan siyang tumayo, at matamang pinagmasdan ang mga lalagyan ng mga paninda na noon ay puno na ng mga bagong lutong tinapay, at bagong pitas na mga prutas. Napagtuunan niya ng pansin ang isang matabang lalaking manininda na dahil sa katabaan ay lagi na lamang nakaupo kahit na pinamamahalaan niya ang kanyang mga paninda. Sa isip niya, dito niya kukunin ang tinapay at prutas para sa magkapatid.
-ooo-
AYAW MAKIALAM SA MGA MAHIHIRAP: Lumapit ang bata sa puwesto ng matabang manininda. Dumadagundong ang kanyang dibdib habang siya ay nakatayo sa harap ng mga paninda. Alam niyang matinding hagupit, at kulong, ang parusa sa mga mangangahas magnakaw ng anuman sa kanilang lugar. Alam niyang krimen ang pagnanakaw, kahit pa ibibigay niya ang mga nanakawin niya sa mga nagugutom at nauuhaw.
Sa kanyang murang kaisipan, alam niyang maaari din siyang maipagbili sa mga dayuhan, at madala sa malayong lugar, at di na makakabalik sa Israel kailanman. Kaya lang, sa bawat sulyap niya sa batang lalaki at sa kapatid nitong babae, alam niyang kailangan niyang kumilos upang mabigyan sila ng makakain at maiinom.
Maliwanag din sa kanya na kailangan nga niyang gawin ito, dahil wala namang sinumang nagtitinda sa palengke, o sa mga mamimili doon, ang nagdadalang-awa sa kanila. Ganundin, walang pakialam ang sinuman kung ano man ang kapalarang kanilang kakaharapin. Tumatanggi ang lahat na makialam man lamang sa kanila… (May dugtong pa po ito; tingnan po ang batasmauricio.wix.com/kakampi-mo-ang-batas).
-ooo-
MAKINIG: Mga brodkast sa espirituwalidad at Salita ng Diyos: Yes Radio 88.3 FM, Barobo City, Surigao del Sur at Yes Radio 93.9 FM, Cagwait, Surigao del Sur, Lunes-Biyernes, 8 n.g.; 92.7 Smile FM, San Francisco, Agusan Del Sur, at Kiss 101.1 FM, Cabadbaran City, Agusan del Norte, Lunes-Biyernes, 10 n.g.; Win 107.5 FM, Roxas, Isabela, Sabado at Linggo, 8 n.u.
-30-
Comentários