Ang kuwento ng matuwid na magnanakaw, Part II
- By Atty. Batas (Melanio Lazo Mauricio Jr.)
- Apr 5, 2015
- 2 min read
INSPIRASYON SA BUHAY: “…Sumagot si Jesus, `Katotohanang sinasabi ko sa iyo, ngayon ay makakasama kita sa paraiso’…” (Lucas 23:43, Bibliya).
-ooo-
ANG KUWENTO NG MATUWID NA MAGNANAKAW, PART II: Ipinagpapatuloy po natin ang ating anim-na-bahaging kuwentong hango sa Pagkakapako at Kamatayan ni Jesus sa Krus. Sa kabuuan, nakatuon ang kuwentong ito sa kasaysayan ng “matuwid na magnanakaw”, na ipinako sa krus kasama ni Jesus noong Biyernes Santo. Mababasa din ito sa batasmauricio.wix.com/kakampi-mo-ang-batas. Tumatanggap kami ng inyong mga reaksiyon.
-ooo-
GUTOM AT UHAW SA PAGHAHANAP KAY JESUS: Noong labindalawang taong gulang pa lamang siya, nakasama siya ng mag-asawang Jose at Maria, na mayroong anak na lalaking halos kasing-edad lamang niya na ang pangalan ay Jesus. Kasabay ng iba pang mga taga-Galilea, pauwi na sila noon mula sa isang kapistahan sa Jerusalem ng mapansin ni Maria na di nila kasama sa pag-uwi si Jesus.
Hinanap ng ina ang kanyang anak sa kanilang mga kamag-anak, at sa kanilang mga kababayan, pero hindi nila makita si Jesus. Noon din ay nagpasya si Maria at si Jose na bumalik sas Jerusalem upang hanapin ang kanilang supling.
Lingid sa kanilang kaalaman, ang batang tatawaging magnanakaw sa kabuuan ng kanyang buhay ay sumama sa kanila upang hanapin si Jesus. Lihim na sumakay ito sa likod ng kanilang kariton, at noong nakarating silang muli sa Jerusalem, nagulat si Jose noong mapansin ang natutulog na bata katabi ng kanilang mga gamit. Ginising ito ni Jose at tinanong kung bakit sumama ito sa kanila ni Maria.
Ipinaliwanag ng bata na siya ay ulila ng lubos, walang ama o ina o mga kapatid, kaya wala na din siyang uuwian pa. Ayon sa kanya, narinig niyang nawawala si Jesus, at, sa di niya maipaliwanag na kadahilanan, nagnais siyang tumulong sa paghahanap dito. Dahil ayaw niyang pati ang batang ito ay mawala din, sinabi ni Jose sa kanya na maghintay na lamang ito sa kanilang kariton, habang hinahanap nila si Jesus.
Lumipas ang mahabang mga minuto at mga oras, ngunit walang Jose o Maria na nagbalik. Nakaramdam ng gutom ang bata, at naalaala nitong wala pa nga pala itong kinakain bagamat matagal ng natapos ang oras para sa almusal.
At noong igala niya ang kanyang paningin, lalong nag-umigting ang kanyang gutom, ng makita niya at maamoy ang mga nakaayos ng mga bagong gawa at mainit-init pang mga tinapay, kasama ang mga sariwa at bagong-pitas na mga mansanas at kahel, at iba pang mga prutas na inilalako sa mga mamimili kahit maaga pa lamang.
Tunay namang gutom-na-gutom at uhaw na uhaw ang bata, ngunit wala naman siyang pera upang makabili ng pagkain at tubig (May karugtong pa po ito).
-ooo-
MAKINIG: DZEC 1062 kHz Manila, 1080 kHz Dagupan City, 711 kHz Naga City, 1260 kHz Lucena City, 1224 kHz Davao City, www.eaglenews.ph, Lunes-Biyernes, alas 6 n.u.; DYKA 801 kHz Panay Island, Yes Radio 88.3 FM Barobo City, Surigao del Sur, Yes Radio 93.9 FM, Cagwait, Surigao Del Sur, Lunes-Biyernes, alas 10 n.u; 92.7 Smile FM San Francisco, Agusan del Sur, Kiss 101.1 FM Cabadbaran City, Agusan del Norte, Lunes-Biyernes, alas 12 ng tanghali; Win 107.5 FM Roxas, Isabela, Sabado, alas 5:30 n.u, at Linggo, alas 7 n.u.
-30-
コメント