top of page

PNoy, dapat magbasa ng Bibliya sa Semana

INSPIRASYON SA BUHAY: “…Dahil dito, hindi nagiging matuwid ang mga taong paulit-ulit ang pag-aalay ng mga gawaing laging inihahandog taon-taon. Kung di ba naman, di ba dapat ay tumigil na sila sa ganitong mga handog? Dapat ay nalinis na nga ang mga mananampalataya sa mga handog na ito. Pero ang mga handog na ito ay taunang pagpapa-alaala lamang ng kanilang kasalanan…” (Hebreo 10:1-3, Bibliya).

-ooo-

ANO ANG GINAGAWA NG MGA OPISYALES SA MAHAL NA ARAW? Di talaga natin alam kung ano ang ginagawa ng mga nasa pamahalaan sa Mahal na Araw, pero di ba maganda kung gugugulin nila ang kanilang mga oras sa pagbabasa ng Bibliya kung Kristiyano sila, o ng kanilang mga banal na aklat kung di sila Kristiyano? Aking ipinapanukala ito, dahil alam nating halos lahat ng nasa kapangyarihan ay di nagbabasa ng Bibliya.

Dahil diyan, aking ipinapanukala ang pagbabasa ng Bibliya ngayong Semana Santa 2015 nina Pangulong Aquino, Bise Presidente Jojo Binay, ng mga miyembro ng Gabinete, ng mga senador at kongresista, ng mga opisyales ng pamahalaang lokal at lahat ng iba pang mga kawani ng gobyerno. Anong malay natin, baka makapagbago ito ng buhay para sa kanila!

-ooo-

PNOY, ET. AL., DAPAT MAGBASA NG BIBLIYA SA SEMANA: Naririto po ang ilang mga bersikulong mahalagang basahin: Mateo 7:24-27, na nagsasabi: “…`Ang mga nakikinig ng mga salita ko at nagsasagawa ng mga ito ay matutulad sa taong matalino na nagtayo ng bahay sa ibabaw ng bato. Umulan, bumaha, at binayo ng malakas na hangin ang bahay na iyon, ngunit di ito bumagsak, sapagkat nakatayo ito sa bato.

“…`Ngunit ang mga nakikinig ng mga salita ko na di nagsasagawa ng mga ito ay matutulad sa taong hangal, na nagtayo ng kanyang bahay sa ibabaw ng buhangin. Umulan, bumaha, at binayo ng malakas na hangin ang bahay na iyon, at ito ay bumagsak at tuluyang nawasak’…”

-ooo-

SINO ANG TUNAY NA DAKILANG PINUNO? Ganundin, mahalaga ding mabasa ng mga opisyales ng gobyerno ang mga bersikulo sa Marcos 10:42-45 na ganito ang nakasulat: “Tinawag ni Jesus ang mga alagad at sinabihan sila, `Alam ninyong ang mga itinuturing na pinuno ng mga Hentil ang nakakapangyari sa kanila, at pinamamahalaan sila ng mga matataas na pinuno’…

“…`Pero hindi ganun ang dapat mangyari sa inyo. Sa halip, sinuman ang nagnanais na maging dakila sa inyo ay kailangang maglingkod sa lahat, at sinuman ang nais na mamuno ay dapat maging alipin ng lahat. Sapagkat maging ang Anak ng Tao ay di naparito upang pagsilbihan, kundi upang magsilbi, at ialay ang kanyang buhay para sa kaligtasan ng marami’…”

-ooo-

ESPIRITU NG DIYOS SA MGA PINUNO MAHALAGA: Mahalaga din ang sinasabi ng Genesis 41:9-38. Ito ang kuwento ni Jose, anak ni Jacob o Israel, na siyang nagpaliwanag sa Hari ng Egipto noong mga panahong iyon kung ano ang sinasabi ng kanyang mga panaginip, kaakibat ng paglalahad ng mga plano kung paanong ililigtas ang bansa sa pitong-taong taggutom.

Sa plano, kinailangang hanapin ang isang taong pinananahanan ng Espiritu ng Diyos. “Kaya nagtanong ang Faraon (o Hari), may makikita ba tayong tao na pinananahanan ng Espiritu ng Diyos?’…” Dahil nakita ng Hari na ang Espiritu ng Diyos ay nananahan kay Jose, itinalaga niya si Jose bilang pangalawang hari ng Egipto.

-ooo-

TALINO, DI YAMAN AT KAPANGYARIHAN: Bilang panghuli, dapat basahin din ng mga opisyales ng gobyerno ang 1 Hari 3, kung saan nakalahad ang kuwento ni Haring Solomon noong tinanong siya ng Diyos kung ano ang nais niyang regalo. Hindi humingi si Solomon ng yaman, o katanyagan, o ng kamatayan ng kanyang mga kaaway. Humingi siya ng karunungan, na ibinigay ng Diyos, kasama ang yaman at katagumpayan laban sa kanyang mga kaaway.

-ooo-

MAKINIG: Mga brodkast sa espirituwalidad at Salita ng Diyos: Yes Radio 88.3 FM, Barobo City, Surigao del Sur at Yes Radio 93.9 FM, Cagwait, Surigao del Sur, Lunes-Biyernes, 8 n.g.; 92.7 Smile FM, San Francisco, Agusan Del Sur, at Kiss 101.1 FM, Cabadbaran City, Agusan del Norte, Lunes-Biyernes, 10 n.g.; Win 107.5 FM, Roxas, Isabela, Sabado at Linggo, 8 n.u.

-30-


RECENT POSTS:
SEARCH BY TAGS:
No tags yet.
bottom of page