SC, JBC probe sa appeals justice
- By Atty. Batas (Melanio Lazo Mauricio Jr.)
- Mar 30, 2015
- 3 min read
INSPIRASYON SA BUHAY: “…panatiliin ninyo ang katarungan sa mga hukuman…” (Amos 5:15, Bibliya).
-ooo-
SC, JBC PROBE SA APPEALS JUSTICE: May sinulat para sa kolum na “Biz Buzz” ang mamamahayag na si Daxim Lucas, na lumabas sa isang malaking diyaryo mula sa Manila, at ito ay nakasentro sa isang Court of Appeals justice. Sobrang eskandalo ang sinulat na ito ni Daxim, kaya naman dapat imbestigahang agaran ito ng Supreme Court at ng Judicial and Bar Councl (JBC).
Sabi ni Lucas, ang justice (na diumano ay dating halal na opisyal mula sa isang lalawigan sa timog) ay “for sale”, lalo na sa usapin ng mga writ of injunction. Ito ang magpapaliwanag kung bakit, sabi ni Lucas, na ang justice “ay naiulat na maluho ang pamumuhay…” at nakapagtayo na diumano “ng isa pang bahay na may `ibang naninirahan’…”
Dapat ay tawagin agad ng hukuman at ng JBC si Lucas kung nais nilang malaman kung totoo ang kanyang mga alegasyon na mga akusasyon na din, at ilabas agad ang pagkakakilanlan sa “justice’, o kung ito nga ay tunay na “justice’. Ganundin, dapat tawagin din ang isa pang kolumnista ng nasabing major Manila newspaper, si Ramon Tulfo, upang liwanagin ang mga sinulat niyang korapsiyon sa Court of Appeals.
-ooo-
SERENO: JOURNALISTS BILANG WHISTLEBLOWERS VS. KORAPSIYON: Sa totoo lang, maituturing ng Supreme Court at JBC si Lucas at si Tulfo bilang mga “whistleblowers” at “perfect partners” sa kanilang pakikibaka laban sa korapsiyon sa hudikatura, batay na rin sa talumpati ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa Metrobank Foundation at Probe Media Foundation.
Sabi ni Sereno: “May mahalagang papel ang mga mamamahayag sa pambansang pagkilos laban sa korapsiyon. Ang kanilang pagiging matanungin ay magagamit ng mga nasa pampublikong buhay upang makita ang mga sitwasyong magbibigay sa kanila ng conflict of interest, daan upang masagot nila agad ang mga mahihirap na tanong ukol sa kanilang mga layunin sa pagganap ng kanilang mga tungkulin…
“Kinikilala ko din ang pagnanais ng media na lumabas ang mga whistleblowers. Dahil sa kanilang aktibong interest sa mga isyung may kinalaman sa pananagutan ng mga naglilingkod, nakakatulong ang media sa mga hakbang laban sa katiwalian. Magiging mas madali ang pagbibigay-kaliwanagan sa mga isyu kung ang lahat, kasama na ang media, ay nagtutulungan,” dagdag pa ni Sereno.
-ooo-
MEDIA COLUMN SA KORAPSIYON SA HUDIKATURA: Naririto po ang isang kolum ni Tulfo ukol sa korapsiyon sa Court of Appeals na lumabas sa online issue ng nasabing diyaryo sa Manila noong Junio 8, 2013, na dapat ding maimbestigahan agad: “Matapos makauwi ang huling kawani ng Court of Appeals pagkatapos ng oras ng trabaho, doon pumapasok sa compound ng appellate court ang mga mamahaling sasakyan, ayon sa aking tagapagbalita.
“Ang sakay ng mga kotse ay mga abogado ng mga may kaso, o ang mga may kaso mismo kasama ng kanilang mga abogado, na nagpa-follow-up ng kanilang mga kaso. Nakikipag-usap sila sa mga korap na justices upang mabigyan ng desisyong pabor sa kanila ang kanilang mga kaso. Ang ibang mga abogado ay may dala ng kopya ng mga desisyong pipirmahan na lang ng corrupt justices.
“Sa usad ng panahon, aabutin ng maraming buwan ang mga kasong naka-apela, o taon na din, upang makapagdesisyon ang Court of Appeals sa mga ito. Pero sa isang kilalang kaso, mabilis ang naging desisyon doon. Ayon sa aking source, nagkabayaran ng P10 milyon, sa ponente (o sa justice na sumulat ng desisyon) at sa napaborang litigante…”
-ooo-
MAKINIG: DZEC 1062 kHz Manila, 1080 kHz Dagupan City, 711 kHz Naga City, 1260 kHz Lucena City, 1224 kHz Davao City, www.eaglenews.ph, Lunes-Biyernes, alas 6 n.u.; DYKA 801 kHz Panay Island, Yes Radio 88.3 FM Barobo City, Surigao del Sur, Yes Radio 93.9 FM, Cagwait, Surigao Del Sur, Lunes-Biyernes, alas 10 n.u; 92.7 Smile FM San Francisco, Agusan del Sur, Kiss 101.1 FM Cabadbaran City, Agusan del Norte, Lunes-Biyernes, alas 12 ng tanghali; Win 107.5 FM Roxas, Isabela, Sabado, alas 5:30 n.u, at Linggo, alas 7 n.u.
-30-
Comentarios